Verified
Master of Arts in Education
Maquilan, Athena Daneca C.
Pebrero 2017
PEER TUTORING SA FILIPINO TUNGO SA PAGPAPAUNLAD NG PAGBASA NG MGA NASA FRUSTRATION LEVEL NA ANTAS SA GRADE 7 ni Athena Daneca C. Maquilan Holy Infant College Tacloban City Pebrero 2017 Tagapayo: LILIA P. ADRALES, Ed.D. Ang pag-aaral na ito ay naglayong paghambingin ang peer tutoring na pamamaraan at tradisyunal na pamamaraan o walang peer tutors sa pagpapaunlad ng pagbasa ng nasa frustration level sa Grade 7 na mga mag-aaral ng Mataas na Paaralang Pambansa ng San Jose, Tacloban City Division sa school year 2016-2017. Ang sumusunod ay ang ipotesis sa pag-aaral na ito: 1. Walang mahalagang pagkakaiba sa antas ng pagbasa sa pagitan ng pretest at posttest sa peer tutoring group, at traditional group. Ang pag-aaral na ito ay isang eksperimental na disenyo na binuo ng dalawang magkaibang grupo – ang peer tutoring group at ang traditional group. Ang dalawang grupong ito ay ginamitan ng magkaibang pamamaraan sa pagtuturo ng pagbasa sa layong pagpaunlad ng pagkilala sa salita at pag-unawa sa binasa - ang peer tutoring at ang traditional na pamamaraan na walang peer tutor. Bawat grupo ay binigyan ng pretest at posttest. Layunin ng pag-aaral na ito na malaman ang antas ng epekto sa antas ng pagbasa ng bawat pamamaraan, at malaman kung may pagkakaiba sa epekto sa dalawang pamamaraan. Ang pag-aaral na ito ay ginawa sa Mataas na Paaralang Pambansa ng San Jose, Tacloban City Division. Ang mga naging kalahok ay 35 Grade 7 na mag-aaral na hinati sa dalawang grupo – 20 sa peer tutoring group at 15 sa traditional group. Ang Philippine Informal Reading Inventory o PHIL-IRI ang ginamit na instrumento sa pagkuha ng mga datos ukol sa antas ng pagbasa. Sa pagsusuri sa mga datos, ang mga sumusunod na statistics ay ginamit: t-test for correlated/dependent sample groups at t-test for independent sample groups. Nabatid sa pagsusuring ito ang mga sumusunod: mayroong mahalagang kaibahan sa antas ng pagbasa sa pagitan ng pretest at posttest sa peer tutoring group, kaya masasabi na ang peer tutoring ay isang mabisang pamamaraan sa pagpapaunlad sa pagbasa – sa pagkilala sa salita at sa pag-unawa sa binasa; mayroong mahalagang kaibahan sa antas ng pagbasa sa pagitan ng pretest at posttest sa traditional group, kaya masasabi rin na ang paggamit ng tradisyunal na pamamaraan o ang walang peer tutor ay isa ring mabisang pamamaraan sa pagpapaunlad sa pagbasa – sa pagkilala sa salita at sa pag-unawa sa binasa; mayroong mahalagang pagkakaiba sa antas ng pagbasa sa pagitan ng peer tutoring group at traditional group sa antas ng pagkilala sa salita, ngunit walang mahalagang pagkakaiba sa antas ng pagbasa sa pagitan ng peer tutoring group at traditional group sa antas ng pag-unawa sa binasa. Sa pangkalahatan, masasabing pareho ang antas ng pagbasa ng mga mag-aaral sa dalawang grupo bago magsimula ang eksperimento; walang mahalagang pagkakaiba sa antas ng pagbasa sa pagitan ng peer tutoring group at traditional group sa posttest, kaya masasabi na pareho ang bisa ng dalawang pamamaraan sa pagpapaunlad ng pagbasa ng mga mag-aaral. Sa pangkalahatan, masasabi na ang dalawang pamamaraan – tradisyunal o walang peer tutor at peer tutoring ay mga pamamaraan na angkop sa pagpapaunlad ng antas ng pagbasa ng mga mag-aaral, maging sa pagpapaunlad sa antas ng pagkilala sa salita at sa antas ng pag-unawa sa binasa. Batay sa mga kinalabasan ng pagsususuri at ng mga kongklusyon sa pag-aaral na ito inerekomenda na: gamitin ang tradisyunal o walang tutor at ang peer tutoring sa pagpapaunlad ng antas ng pagbasa ng mga mag-aaral; at para maging mas mabisa ang peer tutoring, dapat magkaroon ng puspusang paghahasa sa mga peer tutors sa pagbasa. Dapat ding piliin nang maayos ang mga peer tutors para maging mas mabisa ang peer tutoring na pamamaraan.